Manila - Isang malaking hamon sa National Youth Commission (NYC) ang maiparating ang
kahalagahan ng Philippine Youth Development Plan (PYDP) 2017-2022 sa buhay ng
kabataang Pilipino.
Ang PYDP ay nagsisilbing balangkas ng mga kaukulang layunin upang
matugunan at mabigyang buhay ang mga naisin ng kabataang Pilipino.
Sa kasalukuyan ay may 30 milyong kabataan na nasa edad 15-30 taong
gulang. Sila ang makikinabang kapag naipatupad ng bawat ahensiya ng pamahalaan
lalo na sa mga lalawigan o lungsod at mga pamayanan sa pamamagitan ng
paglalapat ng kaukulang programa o proyekto na tutugon at magbibigay buhay sa
mga pangangailangan ng mga kabataan sa kasalukuyang panahon.
Ang PYDP ay isang plano na kinapapalooban ng samut-saring hinahangad ng
kabataang Pilipino na nahahati sa siyam na larangan kung saan ang kanilang
pakikilahok ay lubhang kailangan.
Ito ang tinatawag na Centers of Participation na binubuo ng mga
sumusunod na larangan: Health, Education, Economic Empowerment, Social
Inclusion and Equity, Peace-Building and Security, Governance, Active
Citizenship, Environment, at Global Mobility.
Ayon sa PYDP, ang siyam na larangan na ito ay nakahanay sa mga
itinatakda ng tinaguriang Social Development Goals (SDGs) ng United Nations, sa
ASEAN Workplan on Youth 2016-2020, at higit sa lahat, sa Philippine Development
Plan 2017-2022.
Ayon kay NYC OIC Chairman Ronald Cardema, “binibigyang diin sa PYDP ang
kahalagahan ng paglahok at ang natatanging papel ng kabataang Pilipino sa
pagtataguyod ng bansa. Layunin nito na pag-ugnayin ang lahat ng mga aktibidad,
programa, at proyekto ng mga sangay ng pamahalaan at ng civil society
organizations na may kinalaman sa kabataan upang maisakatuparan ang 2022 Social
Development Agenda ng administrayong Duterte.”
Layunin din ng PYDP na maging gabay, kasama ang mga ahensiya at iba
pang mga institusyon, para sa pagkakaisang pagtugon ng pamahalaan tungo sa
pagpapaunlad ng kalagayang pang ekonomiya ng bawat kabataan.
Nakalahad sa PYDP ang mga dapat gawin, mga obligasyon, at inaasahang
aksyon ng national government at ng mga lokal na pamahalaan upang matiyak na
matutugunan at maisusulong ang mga pangangailangan ng mga kabataan upang
mabigyang halaga ang kanilang economic, social, cultural, civil, at political
rights.
“Ang participation o pakikilahok ng mga kabataan ay masusukat sa
pamamagitan ng attendance, involvement, at engagement sa pagbabalangkas ng maka
kabataang polisiya, programa, at proyekto. Nagpapakita ito ng aksyon o
aktibidad na bunsod ng pagkamulat, kaalaman, at adhikain. Kumbaga lahat ng
nakapaloob sa PYDP ay dapat mabigyang buhay at magkaroon ng konkretong
resulta,” dagdag ni OIC Chair Cardema.
Bago nabuo ang PYDP ay nagsagawa ang NYC ng National Youth Assessment
Study (NYAS) noong 2015. Batay sa resulta ng pag-aaral na ito ay iniakma naman
ang mga istratehiyang nakapaloob sa PYDP.
“Naniniwala kami na mahalaga ang gagampanang papel ng Sangguniang
Kabataan, local youth development councils (LYDC) at local youth development
offices (LYDO) upang matiyak ang tagumpay ng PYDP. Kaya patuloy ang paghikayat
namin sa mga kandidato ng SK at barangay elections na maging handa para sa
gagampanang papel,” pagwakas na sabi ni OIC Chair Cardema. (Posted by Becky D. de Asis-TheRedline News)
No comments:
Post a Comment